Sunday, 1 November 2015

My Love Affair with Small Scale Business

Namulat ako sa kahirapan. Nakita ko kung paano rumaket ang Tatay at Nanay ko. Nagtratraho sa   printing press ang parents ko, at ito rin ang marahil na dahilan kung bakit ako nahilig sa graphic designing, pagsusulat ng tula at kung ano ano pang bagay na may relasyon sa publication. 

Sa gabi palang bago matulog, madalas kong nakikita ang Nanay ko naghahanda ng mga palaman. Egg sandwich, cheese with pimiento, at kung ano-ano pa. Sabi ko "yes! ang sarap ng baon ko sa school!" Well, naibaon ko naman din yun sa eskwelahan, pero ang mga sandwich na inihahanda nila tuwing gabi ay pang-tinda pala. Binebenta nila ito sa mga kasamahan sa trabaho ng pautang. 15-30 kung tawagin nila, tuwing sweldo ang bayad.

Mula ng mag early retirement ang Tatay ko, naisipan na naman nilang pumasok sa kung ano ano pang mga pwedeng pagkakitaan. Ito kasing Tatay ko madaming naiisip, lahat ata ng bagay na makita naiisipan nyang pwedeng ibenta kaya kung ano-ano na ang mga pinasok nito.

Isa na dito ang pagtitinda ng gulay at prutas sa lugar namin. Alas kwatro palang ng madaling araw, iiwanan kaming magkakapatid na walang kasama sa bahay. Nakasara naman ang pinto pero hindi ito naka lock. Sasakay sila sa "padyak" at tatahakin nila ang EDSA papuntang Balintawak upang mamili ng paninda. Ilang beses na rin silang nadisgrasya, pero the show must go on! ika nga.

Ilang taon din ganito ang "source of living" namin, ang mga gulay na ito ang nakapag-paaral sa aming magkakapatid. Dagdagan mo pa ng rental ng Tagalog Romance pocket book at Komiks. Limang piso ata kada araw ang pa-rent. Syempre isa ako sa nakikinabang nito, basa muna habang nagbabantay ng tindahan. Ito ata ang dahilan kung bakit ganito ang style of writing ko sa blog na eto. Nyak!

Naalala ko pa, indian mango with bagoong ang best seller namin nuon.

Natutunan ko ding magrefill ng patis, toyo at suka. Sa bahay namin ito ginagawa ng Tatay ko. Mula sa pagpapakulo ng bote hanggang sa pag seal ng takip. Naging mini factory ng Lorenzana ang bahay namin nung mga panahon na iyon. Na-imagine nyo ba kung anong amoy ng bahay namin nung mga panahong iyon?

Natutunan ko ding mang-buriki ng bigas. Sabi ng Tatay ko, ganun daw para makakuha ng sample ng bigas ng hindi binubuksan ang sako.

Tuwing pasukan, buy and sell kami ng notebooks mula divisoria. Kandila naman pag undas at paputok naman pag Bagong Taon. Seasonal entrepreneur ata ang tawag dun.

Naaalala ko pa, 3 months before my 18th birthday, kailangan naming mag-ipon ng pera pang handa. Syempre ispesyal ang 18th birthday, debut eh. Para maka-ipon, ako ang nagsusupply ng San Miguel Beer sa mga manginginon sa lugar namin. Sa amin sila umoorder. Nakakatawa pero isang case ng San Miguel Beer araw-araw iyon at walang palya. At dahil sa San Mig, ang dami kong handa nung debut ko. I even invited my HS friends for a sleep-over. Naks! Sosyal sleep over!

Hanggang dito na lamang muna, medyo emo na ako.