Sunday, 1 November 2015

My Love Affair with Small Scale Business

Namulat ako sa kahirapan. Nakita ko kung paano rumaket ang Tatay at Nanay ko. Nagtratraho sa   printing press ang parents ko, at ito rin ang marahil na dahilan kung bakit ako nahilig sa graphic designing, pagsusulat ng tula at kung ano ano pang bagay na may relasyon sa publication. 

Sa gabi palang bago matulog, madalas kong nakikita ang Nanay ko naghahanda ng mga palaman. Egg sandwich, cheese with pimiento, at kung ano-ano pa. Sabi ko "yes! ang sarap ng baon ko sa school!" Well, naibaon ko naman din yun sa eskwelahan, pero ang mga sandwich na inihahanda nila tuwing gabi ay pang-tinda pala. Binebenta nila ito sa mga kasamahan sa trabaho ng pautang. 15-30 kung tawagin nila, tuwing sweldo ang bayad.

Mula ng mag early retirement ang Tatay ko, naisipan na naman nilang pumasok sa kung ano ano pang mga pwedeng pagkakitaan. Ito kasing Tatay ko madaming naiisip, lahat ata ng bagay na makita naiisipan nyang pwedeng ibenta kaya kung ano-ano na ang mga pinasok nito.

Isa na dito ang pagtitinda ng gulay at prutas sa lugar namin. Alas kwatro palang ng madaling araw, iiwanan kaming magkakapatid na walang kasama sa bahay. Nakasara naman ang pinto pero hindi ito naka lock. Sasakay sila sa "padyak" at tatahakin nila ang EDSA papuntang Balintawak upang mamili ng paninda. Ilang beses na rin silang nadisgrasya, pero the show must go on! ika nga.

Ilang taon din ganito ang "source of living" namin, ang mga gulay na ito ang nakapag-paaral sa aming magkakapatid. Dagdagan mo pa ng rental ng Tagalog Romance pocket book at Komiks. Limang piso ata kada araw ang pa-rent. Syempre isa ako sa nakikinabang nito, basa muna habang nagbabantay ng tindahan. Ito ata ang dahilan kung bakit ganito ang style of writing ko sa blog na eto. Nyak!

Naalala ko pa, indian mango with bagoong ang best seller namin nuon.

Natutunan ko ding magrefill ng patis, toyo at suka. Sa bahay namin ito ginagawa ng Tatay ko. Mula sa pagpapakulo ng bote hanggang sa pag seal ng takip. Naging mini factory ng Lorenzana ang bahay namin nung mga panahon na iyon. Na-imagine nyo ba kung anong amoy ng bahay namin nung mga panahong iyon?

Natutunan ko ding mang-buriki ng bigas. Sabi ng Tatay ko, ganun daw para makakuha ng sample ng bigas ng hindi binubuksan ang sako.

Tuwing pasukan, buy and sell kami ng notebooks mula divisoria. Kandila naman pag undas at paputok naman pag Bagong Taon. Seasonal entrepreneur ata ang tawag dun.

Naaalala ko pa, 3 months before my 18th birthday, kailangan naming mag-ipon ng pera pang handa. Syempre ispesyal ang 18th birthday, debut eh. Para maka-ipon, ako ang nagsusupply ng San Miguel Beer sa mga manginginon sa lugar namin. Sa amin sila umoorder. Nakakatawa pero isang case ng San Miguel Beer araw-araw iyon at walang palya. At dahil sa San Mig, ang dami kong handa nung debut ko. I even invited my HS friends for a sleep-over. Naks! Sosyal sleep over!

Hanggang dito na lamang muna, medyo emo na ako. 

Saturday, 24 October 2015

Additional Income ba kamo? Sideline Pa More!

It's my birthday today! Naisip kong isabay ang kauna unahan kong post  para sa Sideline Pa More! Sa ganitong paraan magiging espesyal ang blog na ito dahil magkasabay kami ng kaarawan. Hindi lamang ito para sa mga magiging followers at readers nito kung 'di ay para na din sa sarili ko, regalo ko sa sarili ko. Mukhang madalas kong magiging kausap ang sarili ko tuwing magsusulat ako ngayon. Personal ang magiging atake ko at sa palagay ko handa nadin akong ibahagi ang mga ilang parte ng buhay ko.

Ang drama ano? Pero sa totoo lang, sobrang na miss kong mag sulat ng ganito. Ibang iba ito sa  mga nakaraan  kong blog. 

Simulan na natin.

Maraming nagtatanong sa aking mga kaibigan kung ano  ang pwede pa nilang pagkakitaan. Marahil ay nakikita nila na kahit may maayos akong hanapbuhay bilang isang empleyado ay nakukuha ko pang magkaron ng isang maliit na negosyo. 

Empleyado sa Umaga, Entrepreneur sa Gabi! Iyan ang mga linyang sinasabi ko tuwing nakikipagkilala ako sa mga bagong kaibigan.

During the taping of Kabuhayang Swak na Swak
Oo, hanggang sa mga oras na sinusulat ko ang post na ito, kasama ako sa 41.8 milyong mga manggagawang Pilipino na ang rason sa pag gising sa umaga ay ang pag pasok sa opisina. Sigurado akong nakaka-relate ka sa mga sinasabi ko. Marami sa atin na araw araw ay binabagtas ang EDSA, at ang dalawang oras na byahe mula Quezon City hanggang Makati ay hindi na makatarungan. Nakakapanghinayang ang mga oras na ito na kung saan pwede ka ng makahanap ng iba pang pagkakakitaan.

Marami pa rin ang isang kahig, isang tuka! Sa kakarampot na sweldo ng mga manggawang Pilipino, maraming nag-iisip sa atin kung ano pa ang pwedeng gawin upang madagdagan ang kinikita.

At ito ang purpose ng blog na eto. Nais kong i-share ang mga sideline na nasubukan  ko na simula nuong ako'y labing limang taong gulang pa lamang. Nais ko ding ibahagi ang mga iba pang ideya na pwede nating pagkakitaan na kahit na tayo ay may hanap-buhay, ay makadagdag sa ating income. Hindi man ako eksperto sa larangan na ito, ngunit samahan nyo po ako at i-explore pa ang marami pang posibilidad. Ito din ang mabibigay daan kung saan ibabahagi ko ang mga experience ko sa larangang ito.

Para ito sa mga masisipag na Pilipino at saludo ako sa inyo!

Kung nais nyo ring magbahagi ng inyong mga karanasan bilang Empleyado sa Umaga, Entrepreneur sa Gabi, mag email lamang sa bonsky_jen@yahoo.com